Bumaba na ang presyo ng bigas, manok at kamatis sa Commonwealth Market sa Quezon City, batay yan sa obserbasyon sa joint market monitoring nina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina A. Roque.
Sa isa sa mga stall ng bigas na binisita, nasa P54 na lang ang kada kilo ng pinakamahal na imported na bigas na mas mababa pa sa itinakdang maximum suggested retail price na P55 kada kilo.
Maging ang presyo ng kamatis, malaki na rin ang ibinaba na mula sa halos P300 noong unang bahagi ng Enero ay nasa P30 to P50 na lang kada kilo ngayon.
Ang presyo naman ng manok, bahagya na ring bumaba sa P130 mula sa P180 noong mga nakaraang linggo.
Aminado naman ang kalihim, na mataas pa rin sa P170 ang kada kilo ng pulang sibuyas pero inaasahan namang bababa rin ito sa pagpasok ng imported na sibuyas, gayundin ng mga bagong ani sa Marso. | ulat ni Merry Ann Bastasa