Sa inaasahang pagsisimula ng harvest season sa sibuyas, umapela si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa mga magsasaka at traders, na ibagsak na agad sa mga palengke ang mga aanihing sibuyas at huwag munang mag-imbak sa cold storage.
Ayon sa kalihim, makatutulong ito para hindi na tuluyang sumipa pa ang presyo ng sibuyas sa merkado.
Sa pag-iikot ni Sec. Tiu-Laurel sa Commonwealth Market kasama ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry at Quezon City Government, nakita nitong nananatiling mataas sa P170 ang kada kilo ng pulang sibuyas.
Ito aniya ang dahilan kung bakit mag-aangkat ng limitadong suplay ng sibuyas ang bansa habang papasok palang ang mga bagong ani.
Iginiit din ng kalihim, na hindi na dapat umabot sa P200 kada kilo ang bentahan ng sibuyas.
Inaasahan ng DA, na papasok na ang mga imported na sibuyas simula sa susunod na linggo na posibleng maghatak pababa sa presyo ng sibuyas sa merkado. | ulat ni Merry Ann Bastasa