Iniulat ng Valenzuela LGU ang pagbaba ng kaso ng dengue sa lungsod ngayong buwan ng Pebrero.
Batay sa tala ng LGU, mula February 1-17 ay nasa 83 kaso ng Dengue ang naiulat sa lungsod na bagamat mas mataas kumpara noong nakaraang taon, ay mas mababa kumpara sa naitalang 273 kaso noong Enero.
Wala ring nasawi dahil sa dengue sa lungsod sa unang dalawang linggo ng Pebrero.
Ayon sa LGU, ang unti-unting pagbaba ng kaso ng Dengue ay indikasyon na naging epektibo ang mga ipinatupad na Dengue Prevention and Control.
Kasama na rito ang mga clean-up drive sa barangay, partikular sa 10 barangay na may pinakamaraming naitalang kaso.
Tinukoy rin at sinira ang mga posibleng pinamumugaran ng lamok (Search and Destroy), kasabay ng pagpapaigting sa 5S strategies sa komunidad.
Kasabay nito, tiniyak din ng LGU na patuloy na nakatutok ang City Health Office para mapanatili ang positibong resulta at tuluyang mapuksa ang Dengue sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa

