Nilinaw ng Embahada ng Pilipinas sa Israel na tanging mga home-based Filipino caregivers at hotel workers lamang ang maaaring magtrabaho sa lugar sa ilalim ng kasalukuyang Bilateral Labor Agreements.
Ayon sa advisory, hindi pa pinapayagan ang pag-hire ng mga manggagawa sa ibang sektor gaya ng construction, agriculture, at service, dahil patuloy pa ang negosasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa Israel para sa mga sektor na ito.
Sakaling pahintulutan sa hinaharap, tanging ang mga recruitment agency na may lisensya mula sa Department of Migrant Workers (DMW) ang otorisadong mag-recruit at mag-deploy ng mga manggagawa.
Kaya naman patuloy ang paalala ng Embahada sa publiko na maging mapanuri at iwasang magpaloko sa mga illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho sa Israel.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Crisis Alert Level 2 ang Israel, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kaya’t suspendido pa rin ang deployment ng mga bagong manggagawa.