Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) Air Unit na bumagsak ang isang Piper Tomahawk aircraft na pag-aari ng Flightline Aviation Flight School.
Batay sa ulat, naganap ang insidente alas-9:45 kaninang umaga habang nagsasagawa ng proficiency flight ang PNP Robinson R44 helicopter sa naturang lugar.
Ayon sa PNP Air Unit, nakatanggap sila ng distress call at agad nilang nahanap ang lokasyon ng bumagsak na eroplano na may registry number RPC1085 sa isang open field.
Ligtas naman ang dalawang piloto ng naturang aircraft.
Nasa lugar na ang mga tauhan ng Plaridel Municipal Police Station at Aviation Security Unit 3 para sa imbestigasyon.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano. | ulat ni Diane Lear