Malugod na tinanggap ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, na nakapagtala ng 5.2% GDP growth sa ikaapat na quarter ng 2024 at 5.6% para sa buong taon.
Ayon kay Pangandaman, bagama’t hindi naabot ang target na 6.0 hanggang 6.5%, nananatiling isa ang Pilipinas sa pinakamabilis lumagong ekonomiya sa Asia-Pacific, na nalampasan pa ang ilang bansang ASEAN. Giit niya, patuloy na gumagana ang mga estratehiya para sa economic transformation.
Isa sa mga hamon noong 2024 ay ang sunod-sunod na bagyong tumama mula Oktubre hanggang Nobyembre, na nakaapekto sa ekonomiya. Ngunit sa kabila nito, nananatiling matatag ang bansa.
Itinuro ni Pangandaman ang programang Build-Better-More bilang pangunahing dahilan ng paglago, lalo na sa sektor ng konstruksiyon na tumaas ng 7.8% sa Q4 at 10.3% para sa buong taon. Samantala, lumago rin ang Government Final Consumption Expenditure ng 9.7% dahil sa mas epektibong paggamit ng pondo ng gobyerno.
Binigyang-diin naman ni DBM Principal Economist Joselito Basilio na ang maayos na paggugol ng pondo ay may malaking papel sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya, lalo na sa pagpapalakas ng imprastruktura.
Tiniyak ni Pangandaman na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng “Agenda for Prosperity” upang mapanatili ang matatag na ekonomiya ng bansa sa mga susunod na taon. | ulat ni EJ Lazaro