Huli ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot nito sa isang investment scams.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Chu Hoyong, 35-year-old na naaresto sa kanyang tahanan sa Cruzada Street sa Makati City.
Paliwanag ni Viado, si Chu ay naaresto dahil sa bisa ng mission order na inisyu base sa request ng South Korean government kung saan ini-report ang presensya nito at mga illegal activities.
Dagdag pa ni Viado na kanilang napag-alaman na maliban sa mga investment scam, sangkot din ang nasabing Koreano sa mga telecommunications fraud na posibleng isinasagawa nito habang nasa bansa.
Kinikilala din si Chu na isang high-value target ng Korean authorities at pinaghihinalaang may kinalaman sa mga sindikato ng telecom fraud sa Pilipinas.
Kasalukuyang himas-rehas ngayon ang Koreano sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang gumugulong ang deportation proceedings nito. | ulat ni Lorenz Tanjoco