Ikinatuwa ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ang positibong pagtanggap ng mga Pilipino sa social welfare programs ng pamahalaan, gaya na lang ng 4Ps at Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP) na itinulak ng Kamara.
Kasunod ito ng resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia nitong Enero.
“Well, personally masayang-masaya ako sa survey na ‘yan kasi it vindicates what we’ve always said na itong mga issues patungkol sa ayuda ay pawang ingay lamang at talaga namang hinahanap ito ng taongbayan,” ani Zamora.
Batay sa survey ng SWS, 90% ng mga respondent ang nagsabi na malaking tulong ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) habang may 88% naman para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Mayroon namang 81% ng respondents ang nagsabi na malaki ang kanilang benepisyo sa AKAP at Walang Gutom Program.
Sa Pulse Asia survey naman, 82% ng respondents ang nagsabi na nakatulong ang 4Ps at TUPAD para maayos ang financial stability ng mga nasa lower social class at magkaroon ng trabaho. Habang 81% naman ang sang-ayon sa AKAP.
“Kasi ‘yung 4Ps, diniderekta ‘yan para sa talagang mga sa poorest of the poor. Ito namang AKAP ay nakadirekta para sa mga near-poor na isa ring malaking porsyento ng ating populasyon. Kaya masaya kami na ‘yan ang lumabas sa survey kasi ito naman ay bagay na talagang pinaniwalaan namin noon pa man,” dagdag ni Zamora. | ulat ni Kathleen Jean Forbes