Pinalagan ng ilan sa lider ng Kamara ang paghahain ni VP Sara Duterte ng petisyon sa Korte Suprema upang ipahinto ang impeachment laban sa kanya.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, malinaw itong pagtatangka na balewalain ang constitutional authority ng House of Representatives upang matukoy kung dapat ba siyang panagutin sa umano’y maling paggamit ng mga pondo ng publiko at iba pang paglabag.
Ani Gonzales, isa itong desperadong hakbang upang takasan ang pananagutan.
“The Constitution is clear – impeachment is the sole prerogative of Congress. Natatakot na sila kaya gusto nang pigilan ang impeachment process. Mukhang totoo ang allegations on corruption lalo’t masisilip ang bank records,” giit niya.
Sabi naman ni Suarez, hindi sila papatinag sa legal theatrics ng kampo ng bise presidente.
“If she truly believes she is innocent, she should face the charges head-on instead of running to the courts for protection. This attempt to short-circuit the process only raises more questions about what she is trying to hide,” punto ni Suarez.
Ganoon din ang pahayag ni Assistant Majority Leader Jude Acidre.
Aniya, noong nakaraan lang ay sinabi ng Bise Presidente na tinatanggap niya ang impeachment complaint, ngunit bakit ngayon ay nagkakandarapa siyang pigilan ito?
“The Vice President is clearly rattled. Her desperation is showing, and no amount of political maneuvering can hide it… Now, she’s pulling every trick in the book to stop it from moving forward. If she truly had nothing to hide, why the sudden fear? Her hypocrisy is staggering,” ani Acidre.
Ang petisyon ni VP Duterte ay hiwalay pa sa inihain ng grupo ng mga abogado mula Davao na humihiling ding ibasura ang impeachment case. | ulat ni Kathleen Forbes