Pinapayuhan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang International Criminal Court (ICC) na kung nais talagang makatulong sa Pilipinas, suportahan na lamang nila ang imbestigasyon ng pamahalaan, kaugnay sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng war on drugs ng nagdaang administrayon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, muling binigyang diin ni Solicitor General Menardo Guevara, na hindi pipigilan ng Pilipinas ang ICC sa imbestigasyon nito.
Gayunpaman, umaapela rin aniya ang bansa, na huwag nang asahan pa ang gobyerno sa ginagawa nilang imbestigasyon, lalo’t abala rin ang pamahalaan, sa sarili nitong pagsisiyasat.
“We have heard reports na in fact ay labas-pasok na dito ang mga taga-ICC ‘no, pero wala namang kahit sino sa kanila na pinigilan ng immigration na pumasok dito dahil hindi naman natin pinagbabawalan, na kung iyan ang mandato ninyo na mag-imbestiga, mag-imbestiga kayo.” —Guevarra.
“Ang sinasabi lang ng Philippine government ay huwag ninyo na kaming isama pa diyan, huwag ninyo na kaming asahan pang tumulong sa imbestigasyon ninyo kasi kami ay nag-iimbestiga on our own.” —Guevarra.
Makakatulong aniya ang ICC, kung sila ang magbibigay ng karagdagang impormasyon sa Philippine government, upang mapapanagot ang mga dapat na managot, at hindi ang kabaliktaran nito.
“Kung gusto ninyo, ito ngang posisyon ko ha, kung gusto ninyo na makatulong, kayo ang sumuporta sa investigation ng Philippine government, hindi kami ang tutulong sa inyo. Baligtarin natin, kayong ICC kung ano ang mayroon kayo, ibigay ninyo sa Philippine government para kami ang makapag-prosecute kung sino ang dapat i-prosecute, not the other way around.” —Guevarra. | ulat ni Racquel Bayan