Pinag-aaralan na ng Office of the Solicitor General (OSG) ang ilang legal na hakbang kaugnay sa nagpapatuloy na territorial dispute sa West Philippine Sea (WPS).
Pahayag ito ni OSG Solicitor General Menardo Guevarra nang tanungin kung anong legal action ang partikular na tututukan ng kanilang tanggapan, ngayong 2025, kaugnay sa usapin sa rehiyon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na mahigpit na ang ginagawa nilang pakikipagugnayan sa mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno para dito.
“Ang sinasabi ng OSG diyan ay several legal options ang pinag-uusapan within internally sa OSG, also in a coordination with other government agencies like the DOJ.” —Guevarra.
Tumanggi naman munang iditalye ng opisyal kung ano-ano ang legal options na ito, lalo’t posible aniyang makarating sa kabilang partido, o sa ibang bansa ang mga plano ng Pilipinas.
Kung matatandaan, makailang ulit nang siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuloy lamang ang Pilipinas sa pagigiit ng karapatan nito sa WPS sa kabila ng agresyon at presensya ng mga sasakyang pandagat ng China, sa territorial waters ng Pilipinas.
“Hindi ko puwedeng sabihin exactly kung ano iyong gusto naming specific legal action because that will be telegraphing what we intend to do to the opposing side, and we don’t normally do that.” —Guevarra. | ulat ni Racquel Bayan