Isa-isang pinagtatanggal ng mga tauhan ng Commission on Elections (Comelec)-Pasig ang illegal campaign materials sa lungsod.
Sa pag-arangkada ngayong araw ng Oplan Baklas, sinuyod ng COMELEC-Pasig katuwang ang team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Eastern Police District (EPD) ang kahabaaan ng Eastbank road sa Barangay Sta. Lucia, at mga loobang kalye ng Barangay Maybunga.
Natuklasan ng mga awtoridad ang mga poster na oversize at campaign materials na nakakabit sa mga hindi awtorisadong lugar.
Ayon kay Atty. Ronald Santiago, Election officer ng COMELEC-Pasig, hindi dapat lalagpas sa 2 feet by 3 feet ang poster ng isang kandidato.
Nagbabala rin ang COMELEC-Pasig, na ipinagbabawal ang pagkabit ng campaign materials sa mga puno, poste ng kuryente, waiting sheds, traffic lights, public shrines, tulay, government buildings at iba pang pampublikong lugar. | ulat ni Diane Lear