Binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian na walang sinasabi ang Senado na hindi ito magko-convene bilang impeachment court para litisin si Vice President Sara Duterte.
Ito ang tugon ni Gatchalian sa petition for mandamus na inihain sa Supreme Court, kung saan hinihiling na atasan ang Senado na agad-agad mag-convene bilang impeachment court at simulan ang paglilitis.
Pinaliwanag ng senador na ang panahong ito, kung kailan naka-break ang Kongreso, ay ginagamit nilang mga senador upang mapag-aralang maigi ang articles of impeachment laban sa Bise Presidente.
Mahalaga aniyang mapag-aralang mabuti isa-isa ang pitong reklamo laban sa Vice President.
Sa ngayon, ayon kay Gatchalian, kumuha na siya ng mga consultant na litigation lawyers upang matulungan siyang pag-aralan ang magiging takbo ng paglilitis. | ulat ni Nimfa Asuncion