Agad na pinaimbestigahan ni Caloocan Mayor Along Malapitan ang nangyaring insidente ng tangkang pag-kidnap sa dalawang batang estudyante sa bahagi ng Maypajo.
Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde na iniulat na sa kanya ng Caloocan City Police Station (CCPS) na nasa kustodiya na nila ang suspek na residente ng Sta. Ana, Manila.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, maaaring wala sa tamang pag-iisip ang suspek na kailan lamang ay iniwan ng kanyang asawa at anak. Napag-alaman din na ilang araw na itong hindi kumakain at nito lamang Disyembre ay nakulong dahil sa droga.
Ayon kay Mayor Malapitan, nakatakda nang sampahan ng kasong attempted kidnapping ang suspek.
Kasunod nito, tiniyak umano sa kanya ng Philippine National Police (PNP) na isolated case lamang ang nangyari.
Muli namang iniutos ng alkalde sa Aksyon at Malasakit Task Force, lalo na sa Kapulisan, na paigtingin ang pagbabantay sa mga paaralan lalo na tuwing oras na papasok at lalabas ang mga mag-aaral.
“Asahan nyo po na patuloy tayong tutugon at titiyakin ang kaligtasan ng ating lungsod at ng mga Batang Kankaloo katuwang ng Kapulisan, mga opisyales ng barangay, Public Safety and Traffic Management Department, at iba’t ibang sektor.” | ulat ni Merry Ann Bastasa