Nais ni dating DILG Secretary at ngayon ay Alyansa senatorial candidate Benhur Abalos na paigtingin ang paggamit ng CCTV para masawata ang kriminalidad.
Sa isang pulong balitaan, kaniyang inihalimbawa ang interconnected na CCTV system sa Dubai na makabago at gumagamit ng Artificial Intelligence at may kakayanan na tukuyin ang mukha ng suspek kahit mag disguise.
Sabi pa niya sa kasalukuyan, kahit ang simpleng banggaan sa kalsada, ang madalas na pinagkukunan ng ebidensya ay ang CCTV.
“In my experience as the secretary of DILG kung mayroong krimen ang talagang nakakahuli o malaking bagay ay ang mga CCTV. In UAE, ang mga CCTV ay talagang interconnected, lahat. Talagang doon pahirapan gumawa ng krimen at hindi lamang ‘yon, yung camera is really AI na. Maski magpalit ka ng mukha mo, maski maglagay ka pa ng handkerchief, mahuhuli ka dahil yung butas ng skull in relation sa butas ng bibig. Imagine, yun po yung cameras ng LGU na nandyan ngayon. Cameras dito sa EDSA pagsama-samahin nating lahat ito. It’s easy to track crimes, madaling mahuli ito.” paliwanag niya.
Kailangan lang aniya talaga na mabigyan ng sapat na kasanay ang kapulisan at mag invest sa makabagong teknolohiya, lalo na at lumalala na rin ang cybercrimes.
“Ipa-train natin ng maigi. Dahil lalo na ngayon with the ano of AI ang daling manggaya….So, yung non-uniformed personnel na mga experts sa AI yun ang mga kukunin natin dito,” mungkahi pa niya
Hirit pa niya na magpatupad ng reporma sa Philippine National Police Academy at gawin ito mala-PMA upang ang mga magsisipagtapos na pulis ay bihasa, may sapat na kakanayan at may integridad. | ulat ni Kathleen Forbes