Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dapat na itigil na ang mga iligal, mapanggipit, at mapangahas na gawain ng People’s Liberation Army (PLA)-Navy ng China sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, na inilgay nito sa panganib ang buhay ng mga piloto at pasahero ng eroplano ng BFAR matapos na lumapit ang PLA-Navy helicopter sa Bajo de Masinloc.
Aniya, malinaw itong paglabag sa international standards ng “good airmanship” at “flight safety.”
Nanawagan ang AFP sa PLA-Navy na igalang ang soberanya ng Pilipinas at sumunod sa international law para sa kapayapaan sa rehiyon.
Tiniyak naman ng AFP na patuloy silang magsasagawa ng lehitimong maritime operations kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno para protektahan ang territorial integrity ng bansa at ang mga Pilipino. | ulat ni Diane Lear