Tinawag na “Unprofessional” at “Reckless” ng National Maritime Council (NMC) ang paglapit ng helicopter ng People’s Liberation Army – Navy helicopter ng China sa eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Pilipinas.
Ito’y habang nagsasagawa ng kanilang routine maritime domain awareness ang BFAR Cessna 208B sa bahagi ng Bajo de Masinloc na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea kahapon.
Sa inilabas na pahayag ng NMC, sinabi nito na ang naging aksyon ng China ay hindi lamang naglagay sa peligro sa mga sakay ng eroplano ng BFAR kundi pagpapakita rin ito ng kawalan ng good airmanship at flight safety.
Iginiit ng NMC na hindi mapasusubalian ang soberanya ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc kaya’t hindi ito papatinag sa anumang iligal, mapangahas, at agresibong hakbang ng China sa naturang lugar.
Nananatiling committed ang Pilipinas sa pagtataguyod ng international law at hinimok nito ang China na igalang iyon upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon. | ulat ni Jaymark Dagala