Welcome sa mga senador ang isinagawang maritime cooperative activity kamakailan sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos, Japan, at Australia.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, suportado niya ang ganitong mga hakbang upang mapalakas ang kakayahan ng ating bansa na maprotektahan ang ating teritoryo.
Umaasa si Escudero na darating ang panahon na kalaunan ay makakatayo na rin ang ating bansa sa sarili nitong paa pagdating sa pagprotekta ng ating sovereign territorial rights.
Pinunto naman ni Senadora Risa Hontiveros na ang ganitong aktibidad ay nagpapakita na hindi nag-iisa ang Pilipinas sa pagtitiyak na mananatiling malaya, bukas, at ligtas ang Indo-Pacific region.
Sinabi ni Hontiveros na pinagtitibay nito ang international consensus na ang territorial claim ng Chinese government sa West Philippine Sea ay walang basehan at direktang paglabag sa UNCLOS.
Pinagtitibay rin aniya nito ang mga batas ng bansa gaya ng Philippine Maritime Zones Act at Maritime Zones Act.
Ganito rin ang pahayag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino.
Dinagdag pa ni Tolentino na ang naganap na maritime cooperative activity ay pagpapakita na kinikilala ng ibang bansa ang ating karapatan sa West Philippine Sea at handa silang tumulong sa atin sa pagsasagawa ng joint patrol exercise. | ulat ni Nimfa Asuncion