Iginiit ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) hindi nila pinagsasawalang bahala ang mga pinakawalang biro ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang bangggitin ng dating Pangulo sa isang campaign rally na kailangang pumatay ng 15 senador sa pamamagitan ng pagpapasabog sa Senado upang maipalit ang kaniyang mga ikinakampaniyang senatoriable sa 2025 Elections.
Sa panayam sa Kampo Crame, sinabi ni CIDG Director, Police Maj. Gen. Nicolas Torre III, hindi na uubra sa Bagong Pilipinas ang mga birong patayan at karahasan kaya’t kusa na siyang kumilos bilang isang tagapagpatupad ng batas.
Una rito, hindi na pinatulan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga naging pahayag na ito ng dating Pangulo subalit para kay Torre, malinaw na isa itong uri ng inciting to sedition at unlawful utterances. | ulat ni Jaymark Dagala