Tuluyang pina-subpoena ng House Tri-Committee ang mga social media influencer at vlogger na hindi pa rin dumalo sa kanilang pagdinig sa kabila ng nauna nang show cause order na ibinaba ng komite.
Karamihan sa kanila ay magkakaparehas ang ibinigay na dahilan ng hindi pagpunta, at ito ay ang inihain nilang petition for certiorari sa Korte Suprema.
Ayon kay dating DOLE Sec. Silvestre Bello III, legal counsel ng isa sa mga ipinatawag na social media personality na si Krizette Laureta Chu, kung dadalo ang kaniyang kliyente ay magiging moot and academic ang petisyong inihain sa SC.
Pinaalalahanan naman ni Cong. Joseph Stephen Paduano si dating PCO Secretary Trixie Cruz Angeles na bilang isang abogado, may obligasyon siyang irespeto ang Saligang Batas, partikular ang ibinigay na kapangyarihan sa Kongreso na magsagawa ng investigation in aid of legislation.
Ikinokonsidera na rin aniya ng legal department ng komite ang paghahain ng disbarment case laban kay Angeles dahil sa kaniyang paulit-ulit na paglabag sa legal ethics.
“The Joint Committee directed the Legal Department to study and consider filing a possible disbarment case against Attorney Angeles because we believe that an officer of the court must conduct herself as a true advocate of law rather than being the one directly promoting its defiance,” pagbubunyag ni Paduano.
Kasabay nito, nagpalabas na rin ng show cause order ang komite para sa Facebook Philippines at TikTok matapos hindi rin sumipot sa pagdinig. | ulat ni Kathleen Forbes