Ibinahagi ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas campaign manager Toby Tiangco na nagsagawa ng field work ang campaign team upang matukoy ang iba’t ibang isyu ng bawat senatorial aspirant ng administrasyon.
Aniya, sa paraang ito ay natukoy nila ang mga isyu na ibinabato sa bawat kandidato, gayundin ang mga aspeto kung saan sila malakas.
“We have data to show, of course this was pre-impeachment… kung ano yung mga issues sa kanila, kung saan sila malakas, saan yung soft votes nila, saan yung hard votes nila. So we’ve given it to them individually. So gagawa sila diskarte based on their own,” pahayag ni Tiangco.
Aminado naman si Tiangco na hindi pa dito naisama ang usapin ng impeachment.
Gayunman, ipauubaya na, aniya, nila ang diskarte sa bawat kandidato kung paano ito tutugunan.
Bukas, aniya, sila sa pagkakaroon ng iba’t ibang opinyon.
Ngunit ang pinakamahalaga, aniya, ay nagkakaisa ang Alyansa sa pagbibigay suporta sa mga programa ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para makamit ang Bagong Pilipinas at maiangat ang buhay ng mga Pilipino.
Kabilang sa senatorial slate ng administrasyon ay si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III; dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos; dating Senador Panfilo Lacson, Manny Pacquiao; Senators Pia Cayetano, Lito Lapid, Imee Marcos, Ramon “Bong” Revilla Jr., Francis Tolentino; Makati City Mayor Abby Binay; House Deputy Speaker Las Piñas City lone District Representative Camille Villar; at House Deputy Majority Leader ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes
