Muling pinaalalahanan ni Senate President Chiz Escudero ang mga senador na mag-ingat sa pagkokomento tungkol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Ito ay dahil tatayo silang mga senador bilang hukom sa impeachment trial laban sa bise presidente.
Giniit ni Escudero na hangga’t maaari ay hindi dapat maglabas ng pahayag na kontra o pabor sa kasong kinahaharap ng bise presidente ang sinumang senador.
Sang-ayon naman ang senate leader na magiging election issue o maitatanong sa mga kakandidato ang impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Kaya naman maging ang mga kandidato sa pagka-senador ay dapat rin aniyang mag-ingat sa pagbibigay ng komento o premature judgement sa kaso.
Una nang pinunto ni Escudero na tatawid sa 20th Congress ang impeachment trial kaya naman magiging bahagi na rin ng impeachment jury ang mga mananalong senador matapos ang May midterm elections. | ulat ni Nimfa Asuncion