Malugod na tinanggap ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang pagbisita ng mga kinatawan ng Disney Southeast Asia (SEA).
Ang pagdating ng Disney SEA ay nagsilbing daan para mas pagtibayin pa ang mga hakbang ng ahensiya at ng Disney tungo sa pagsusulong ng angkop at ligtas na mga palabas.
Kasama ni Sotto-Antonio sina Vice Chairperson Atty. Paulino Cases Jr., Executive Director II Roberto Diciembre, at MTRCB Legal Affairs Division Chief Anna Farinah Mindalano.
Ang delegasyon ng Disney SEA ay binubuo nina Shruti Mehta at Vineet Puri, kasama si Disney Worldwide Vice President for Government Relations Joe Welch.
“Bilang ahensiyang nagsusulong ng responsableng panonood, hangad ng MTRCB na bigyan ang pamilyang Pilipino ng sapat na kaalaman sa responsableng paggamit ng media,” sabi ni Sotto-Antonio.
“Maraming salamat sa Disney sa patuloy nilang pakikipagtulungan sa atin para makapaghatid ng mas ligtas at nakakaaliw na panoorin para sa mga bata,” dagdag ng opisyal.
Inilatag din ng Disney SEA ang kanilang pinakabagong parental control tools para tulungan ang mga magulang na mapamahalaan ang oras ng paggamit ng media ng kanilang mga anak.
Ang patuloy na kolaborasyon ng MTRCB at Disney ay patunay sa dedikasyon ng board na maprotektahan at maibigay sa pamilyang Pilipino ang ligtas na mga palabas tungo sa isang responsableng panonood. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes