Inanunsiyo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na tataas ang sinisingil na Ancillary Service sa pangkalahatang transmission charges para sa buwan ng Pebrero.
Batay sa ulat ng NGCP, tumaas kasi ang Ancillary Service nitong Enero sa P0.66 per kWh na mas mataas kumpara P0.60 kWh noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Dahil dito, papalo sa P1.35 per kWh ang itinaas sa transmission charges noong Enero na mararamdaman ngayong Pebrero kumpara sa P1.25 per kWh noong Disyembre 2024.
Paliwanag ni Mr. Ryan Datingaling, Head ng Revenue Management Department ng NGCP, bagaman tumaas ang Ancillary Service sa buong bansa pero nakita nila ang pagbaba nito sa Luzon na papasok sa transmission charge.
Iyan ang dahilan kaya’t lumabas sa anunsiyo ng Manila Electric Company (MERALCO), ang bahagyang pagbaba sa transmission charge kahit pa tumaas ang kanilang sisingilin ngayong buwan
Pero iginiit ng NGCP, ang mga naturang singilin ay ipinapasa lamang at hindi nila ito napakikinabangan ngunit ginagamit ito para balansehin ang grid operations. | ulat ni Jaymark Dagala