Ikinatuwa ng mga mamimili sa Butuan City nang malamang bumaba ngayon ang presyo ng bigas kung ikukompara no’ng mga nakaraang linggo.
Isa na rito si Genevive Paduga na aminadong hirap magbudget para sa araw-araw na pagkain ng kanyang pamilya dahil sa taas ng mga bilihin. Kaya naman laking pasasalamat nito nang bumaba ang presyo ng bigas. Makakabili pa aniya siya ng iba pang kailangan gaya ng isda o kaya’y gulay.
Ang naturang pagbaba ng presyo ay epekto ng idineklarang Food Security Emergency ng Department of Agriculture bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mabigyan ng abot-kayamg halaga ng bigas ang mamamayan, at upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Dahil dito, mabibili na lamang ng tig 35 pesos ang bawat kilo ng NFA rice. Kaya naman, bahagyang bumaba ang presyo ng local regular at well-milled rice pati na rin ang imported rice.
Ayon kay DA Caraga Regional Director Arlan Mangelen, ipagpapatuloy nito ang suporta sa mga magsasaka upang lalo pang tumaas ang rice production sa rehiyon.
Sa pinakahuling media briefing ng DA Caraga, iniulat na mas tumaas ang volume ng produksyon ng bigas nitong nakaraang taon na may 574,093 metric tons ikompara noong taong 2023 na meron lamang 543,431 metric tons. Ipinagmalaki ring nasa 99.14 percent ang rice sufficiency level sa buong Caraga Region. | | via May Diez | RP1 Butuan