Asahan na sa susunod na linggo ang pagbaba ng bigas mula sa National Food Authority (NFA), kasunod ng naunang deklarasyon ng pamahalaan para sa Food Security Emergency on Rice.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tinatapos na lamang nila ngayon ang mga kinakailangang dokumento mula sa NFA patungong Food Terminal Inc. (FTI), at mga dokumento mula FTI, patungong mga lokal na pamahalaan.
“Hopefully, matapos lahat ng documentation between FTI, NFA to FTI, FTI to LGU, and by next week ay maro-roll out na hopefully iyan.” —Tiu.
Ayon sa kalihim, higit 50 LGUs na ang nagpahayag ng intres para dito, kasama na ang San Juan, Navotas, Cainta, Rizal, at Iloilo.
Kung matatandaan, ang deklarasyon ito ay magbibigay daan sa paglalabas ng buffer stock ng NFA, upang mapatatag ang presyo ng bigas, at mabigyang espasyo ang mga bagong bigas na bibilhin ng gobyerno, mula sa mga Pilipinong magsasaka.
Una nang sinabi ng pamahalaan na target ng gobyerno na maibenta ang mga bigas ng NFA, sa halagang PhP35 per kilo. | ulat ni Racquel Bayan