Matagumpay na natapos ang pagbisita ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa London, United Kingdom, sa nagdaang linggo.
Sa kanyang pagbisita, nakipagpulong si Secretary Manalo kay UK National Security Adviser Jonathan Powell, kung saan muling pinagtibay ang PH-UK Enhanced Partnership na magpapalalim sa ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng kalakalan, depensa, at seguridad sa rehiyon.
Tinalakay din nila ang mga isyu sa South China Sea, ASEAN, Myanmar, at Ukraine, kung saan muling kinilala ng UK ang paninindigan ng Pilipinas sa pagtataguyod ng rules-based international order. Sa isang roundtable discussion, ibinahagi ni Manalo sa mga negosyanteng Briton ang direksyon ng PH-UK relations at ang epekto ng tensyon sa South China Sea.
Ayon kay Manalo, mananatili ang Pilipinas sa mapayapang resolusyon sa sigalot batay sa international law, partikular ang UNCLOS.
Habang nasa London, nagpaunlak din ng panayam si Sec. Manalo sa ilang media organizations tulad ng Financial Times, Sky News, at BBC World Service.
Samantala, nakatakda namang bumisita sa Pilipinas si UK Foreign Secretary David Lammy sa Marso 2025. | ulat ni EJ Lazaro