Pinapurihan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang lumalaking bilang ng mga babaeng pinuno sa hanay ng pulisya na may mahalagang papel para sa paghubog ng kinabukasan ng law enforcement.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, nasa 20 porsyento na ng kabuuang populasyon ng PNP ay pawang mga babae o katumbas ng 42,757 na nasa iba’t ibang posisyon at tanggapan sa buong bansa.
Patunay lamang ito ani Marbil na kanilang itinataguyod sa PNP ang ‘gender equality’ at ‘professional excellence’ sa kanilang hanay.
Binigyang-diin pa ng PNP Chief na hindi lamang basta bahagi ng PNP ang mga babae, nagsisilbi rin silang mahalagang sangkap para sa pagbabago.
Hindi rin aniya matatawaran ang ipinakikitang leadership, dedikasyon at tapang ng mga babae na siyang kailangan sa kanilang misyon na itaguyod ang kapayapaan, kaayusan at katarungan.
Sa kasalukuyan, nasa 151 na mga babaeng pulis ang humahawak ng matataas na posisyon, patunay na ang pamumuno ay walang pinipiling kasarian at ito’y nasusukat sa kakayahan, integridad at determinasyon. | ulat ni Jaymark Dagala