Pinoprotektahan lamang ng Office of the Solicitor General (OSG) ang sanctity at mismong institusyon ng pagpapakasal sa bansa.
Pahayag ito ni OSG Solicitor General Menardo Guevarra nang tanungin kung hindi ba lalong mahirap ang pagkuha ng petition for annulment of marriage sa bansa, dahil mahigpit ang OSG.
Kung matatandaan kasi, kailangan pang dumaan o humingi ng sertipikasyon mula sa OSG ng resibo para sa desisyon o order para sa isang annulment case.
“Kasi ang role ng OSG sa annulment of marriage is to protect the interest of the state to protect the sanctity and integrity of the institution of marriage, iyon ang pinoprotektahan namin,” ani Guevarra.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na ang mahalaga sa usaping ito ay masiguro na hindi magsasabwatan ang mag-asawa para makakuha ng annulment, at parehong makapagpakasal muli.
“Hindi na iyong parang may kinakampihan ba kami diyan sa mag-asawa na iyan? Hindi! Ang aming habol ay huwag ninyong parang magsasabwatan kayo para makakuha ng annulment kahit hindi naman totoo iyong mga grounds ninyo; mag-uusap kayo, ‘huwag ka nang sumagot ha, para pareho tayong makapag-asawa ulit’. Iyong mga ganoon doon pumapasok ang OSG,” dagdag pa ni Guevarra.
Kailangan aniyang masiguro na ang pagpapawalang bisa ng kasal ay naka angkla sa angkop na grounds at ebidensya.
“Hindi pupuwedeng ganyan na hindi naman talaga base sa ebidensiya, mawawalang-bisa ang inyong kasal. It’s a sacred institution, it’s a legal institution na may effects sa family, sa mga anak kaya hindi natin basta pupuwedeng hayaan lang na kung ano ang gusto ng partido ay ganoon ang gagawin nila,” paliwanag ni Guevarra. | ulat ni Racquel Bayan