Tinukoy ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na isang magandang indikasyon ng masigla ang ekonomiya ng bansa, ang naitalang pagtaas sa bilang ng trabaho sa transport at construction sector.
Kasunod ito ng inilabas na December 2024 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Aniya, kung pagsasamahin ang dalawang sektor na ito ay aabot sa higit 920,000 na trabaho ang nalikha.
Ibig sabihin, kumpiyansa ang mga negosyante dahil mayroong mataas na consumer activity.
Gayunman, kailangan aniya ng plano mula sa Department of Agriculture (DA) kung paano tutugunan ang job loss sa sektor ng agrikultura.
Maaari kasi aniya na ang mga seasonal workers sa agri sector, ay lumilipat sa ibang trabaho gaya na lang ng paghahabal-habal o construction worker.
Sinabi pa ng economist-solon na para makamit ang pangmatagalang pag-unlad ng bansa at magkaroon ng kabuluhan ang sweldo ng mga manggagawa ay dapat maayos ang sektor ng agrikultura. | ulat ni Kathleen Jean Forbes
