Muling nagpaalala ang Commission on Elections ( COMELEC) na bawal ang pagbibigay ng ayuda 10 araw bago ang itinakdang Mid-Term Elections sa May 12.
Ayon kay Atty. Jan Fajardo ng Commission on Elections-Quezon City, simula sa May 2 ay ipinagbabawal na ng COMELEC ang pamamahagi ng anumang ayuda gaya ng TUPAD, AICCs, AKAP, at iba pang financial assistance kaugnay ng ipinatutupad na Election Ban.
Sa ngayon, tanging ang mga programang may exemptions lamang mula sa COMELEC ang pinapahintulutang magpatuloy kahit malapit na ang eleksyon.
Kaugnay nito, patuloy naman ang ginagawang pagbabaklas ng mga campaign materials na hindi nakalagay sa designated areas at mayroon na rin aniyang mga kandidato ang sinulatan kaugnay ng illegal campaign materials.
Pinaalalahanan din ang mga kandidato na iparehistro ang mga official social media accounts kung mangangampanya online.
Samantala, iniulat din ni Fajardo na nakatakda nang mag-convene ang Kontra Bigay Committee na mangunguna sa pag-iimbestiga sa mga reklamo na may kaugnayan sa vote buying. | ulat ni Merry Ann Bastasa