Nakatuon ang atensyon ng mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa trabaho, interest ng mga Pilipino, at kung ano ang kailangan ng bansa.
Ito ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang focus ng kanilang mga pambato, na hindi tulad ng ibang partido, nagbibitaw ng mga pananakot, hindi magagandang salita, at maaanghang na patutsda.
“Kaya wala po kayong maririnig. Yan na po ang kaibahan ng Alyansa sa lahat ng ibang mga tumatakbo dito sa halalan na ito. Wala po kayong maririnig na masasamang salita. Wala po kayong maririnig na panakot. Wala po kayong maririnig na pagmumura.” —Pangulong Marcos.
Sa ikaapat na proclamation rally ng Alyansa, na ginanap sa Coneta Astrodome sa Pasay, pabiro pang binilang ng pangulo ang kanilang senatorial candidates, kung kumpleto pa ang mga ito.
“Pagbigyan nyo po ako at tinitingnan ko lang po ang ating mga kandidato at tinitiyak ko at wala pang napasabugan ng granada.” —Pangulong Marcos.
Kung matatandaan kasi, una nang nagpahayag si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pumatay na lamang ng mga senador, upang makapasok ang kanilang mga ini-endorso.
Sabi ni Pangulong Marcos, malinaw ang tinatahak ng kanilang alyansa.
“Ipaglalaban natin ang ating soberanya sa pamamagitan ng diplomasya at dignidad. Hindi natin isusuko ang ni isang pulgada ng ating teritoryo at hindi tayo kailangang sumunod sa kahit na sinong mga dayuhan kahit ano pa ang sabihan nila.” —Pangulong Marcos.
Ito ay ang kaunlaran ng bansa at hindi ang pagkakawatak – watak ng mga Pilipino.
“Sa ekonomiya at sa trabaho, hindi natin kailangan umasa sa mga ilegal na industriya tulad ng POGO na naging pugad ng krimen at karahasan. Ang solusyon po ay tunay na trabaho. Disenteng sweldo at suporta sa maliliit at sa mga nangangailangan.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan