Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) na hindi gaanong maaapektuhan ang Pilipinas sa desisyon ni US President Donald Trump, na ipatigil at repasuhin ang lahat ng foreign aid mula sa United States Agency for International Development (USAID).
Ito ang tiniyak ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon sa isang pulong balitaan.
Ayon kay Edillon, malaki na ang ipinagbago ng sitwasyon ng bansa kumpara noong nakaraan. Hindi na daw umaasa ang Pilipinas sa USAID para sa pagpapatayo ng mga paaralan, at kaya ng pamahalaan na humingi ng suporta mula sa ibang development partners.
Sinabi rin ni Edillon, na bagamat may 90-day review ang USAID, patuloy pa rin ang mga kasalukuyang proyekto at tulong ng ilang USAID staff sa bansa.
Matatandaang naglabas ang US State Department ng “stop-work” order noong January 24, matapos iutos ni Trump ang 90-day review sa lahat ng tulong ng USAID. | ulat ni Diane Lear