Nakatakda nang talakayin sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong gawing permanente o i-institutionalize ang loan at financing program ng pamahalaan para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) o ang Senate Bill 2985.
Ayon sa sponsor ng panukala na si Senate Committee on Trade Chairman Senador Alan Peter Cayetano, sa ilalim ng panukala ay magiging permanente ang budget ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Program (P3) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Dito ay pauutangin ng Small Business Corporation ng DTI ng hanggang dalawang milyong piso na puhunan, nang walang kolateral, ang mga maliliit na negosyo.
Gagawaran rin ito ng cash assistance at capacity-building programs upang mas makasabay sa kumpetisyon.
Puwede itong makuha ng mga maliliit na samahan ng mga gustong mamuhunan, gaya ng samahan ng mga tricycle at jeepney driver at operator, gayundin ng mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na tindero.
Ipinunto ni Cayetano na walumpung porsyento ng mga manggagawa ay nasa MSMEs, kaya dapat lang silang suportahan. | ulat ni Nimfa Asuncion