Nananawagan si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa Department of Agriculture (DA) na ipatupad ang food security emergency sa loob lamang ng tatlong buwan.
Nanawagan din ito na bigyang-prayoridad ang pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka upang muling mapunan ang buffer stock ng National Food Authority (NFA).
Ito ay matapos ilabas ng gobyerno ang naturang reserbang bigas dahil sa deklarasyon ng food security emergency.
Ayon sa Department Circular No. 3 ng DA, mananatili ang food security emergency “hanggang ito ay alisin o bawiin” ng kalihim ng Agrikultura.
Bagama’t sinusuportahan ni Lee ang naturang hakbang upang matugunan ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado, binigyang-diin niya na ito ay isang panandaliang solusyon lamang.
Aniya, maganda ang layunin ni food security emergency para mapababa ang presyo ng bigas sa merkado pero dapat mailatag dito ang malinaw na timeline kung paano matutulungan ang mga lokal na magsasaka.
Nanawagan din ang partido sa DA at NFA na makipagtulungan sa mga grupo ng magsasaka, kooperatiba, at iba pang stakeholders upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, dahil may pangangailangan para sa komprehensibong estratehiya at pangmatagalang solusyon upang mapabuti ang supply chain at labanan ang manipulasyon sa merkado para sa mas matatag na seguridad sa pagkain. | ulat ni Melany V. Reyes