Nakiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paggunita ng ika-80 anibersaryo ng Liberation of Manila sa Manila American Cemetery and Memorial sa McKinley, Taguig City ngayong araw, Pebrero 22.
Dumating ang Pangulo dakong alas-4 ng hapon upang magbigay ng kanyang mensahe sa seremonya ng pag-alala sa isa sa pinakamadugong labanan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ang Liberation of Manila ay naganap mula Pebrero hanggang Marso 1945, kung saan naglaban ang mga tropang Amerikano at Pilipino laban sa pwersang Hapones. Nagresulta ito sa matinding pagkasira ng kabisera at pagkamatay ng libu-libong sundalo at sibilyan. Sa kabila ng trahedya, nagtapos ito sa ganap na paglaya ng Maynila mula sa pananakop ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang halaga ng pag-alala sa kasaysayan upang mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa ng bansa. Kanyang inalala ang matinding pinsala sa Maynila noong digmaan, ang Death March sa Bataan, at ang kabayanihan ng mga beterano na nagbigay-daan sa kalayaang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan. Pinuri rin ng Pangulo ang matibay na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos, na aniya’y patuloy na magtutulungan para sa economic security, kapayapaan, at iba pang aspeto ng kooperasyon.
Pinangunahan ni Mr. Vicente Lim IV, Director ng Visitor Center ng Manila American Cemetery and Memorial, ang programa. Dumalo rin ang iba pang matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang sina OPAPRU Secretary Carlito Galvez, DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, DFA Secretary Enrique Manalo, at DND Secretary Gilberto Teodoro. Kasama rin sa seremonya ang mga beterano ng digmaan, mga kinatawan mula sa embahada ng Estados Unidos, kabilang si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, mga miyembro ng Diplomatic Corps, at mga pamilya ng mga lumaban noong digmaan upang magbigay-pugay sa kanilang sakripisyo.
Nagbigay rin ng mensahe si Ambassador Carlson, kung saan binigyang-diin niya ang patuloy na suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas bilang isang matatag na kaalyado para sa Free and Open Indo-Pacific. Nagbigay din ng mensahe ang ilang opisyal mula sa Estados Unidos bilang pagpaparangal sa mga sundalo at sibilyang nagbuwis ng buhay para sa kalayaan.
Bilang bahagi ng paggunita, ginanap ang isang Ceremonial Wreath Laying sa bantayog ng Manila American Cemetery. Ang nasabing lugar ay nagsisilbing huling hantungan ng mahigit 17,000 sundalo at tahanan ng memorial wall kung saan nakaukit ang pangalan ng mahigit 36,000 iba pang nawawala matapos ang digmaan. | ulat ni EJ Lazaro