Matagumpay na naitaboy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang barko ng China Coast Guard (CCG) na may bow number 5303 palayo sa baybayin ng Zambales, sa kabila ito ng malalaking alon na umaabot sa lima hanggang walong talampakan.
Ayon sa PCG, ang CCG-5303 ang pumalit sa CCG-3103 upang ipagpatuloy ang iligal na pagpapatrolya ng China sa West Philippine Sea. Sa kabila nito, nananatiling matatag ang mga tauhan ng BRP Cabra sa kanilang misyon na ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas, habang patuloy na binabantayan at idinodokumento ang mga agresibong hakbang ng China.
Sa kasalukuyan, naitulak na ng PCG ang barko ng China sa layong 95 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Ipinakita naman ng PCG ang patuloy nilang matibay na paninindigan sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa at pagpapatupad ng international law. | ulat ni EJ Lazaro