Matagumpay nang natanggal ang Pilipinas sa “grey list” ng Financial Action Task Force o FATF.
Ginawa ng Paris-based global watchdog ang pahayag kasunod ng kanilang Plenary and Working Group Meeting sa France, na dinaluhan ni BSP Gov. Eli Remolona.
Ito ay bilang pagkilala sa malaking hakbang ng bansa sa pagpapalakas ng anti-money laundering at counter-terrorism financing measures.
Napabilang ang Pilipinas sa nasabing listahan noong Hunyo 2021 dahil sa ilang natukoy na kahinaan sa sistema.
Maalalang ipinag-utos noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang mga reporma upang makaalis sa grey list.
Sa statement na inilabas ng FATF, kinilala nito ang pagpupursige ng Pilipinas na itama at ipatupad ang mga hakbang upang palakasin ang risk-based supervision ng mga designated non-financial businesses and professions (DNFBPs), mabawasan ang risk sa casino junkets, ipatupad ang bagong registration requirements para sa money value transfer services (MVTS), at pagtibayin ang mga batas upang paghusayin ang financial intelligence at pagsugpo sa money laundering at terrorist financing cases.
Hinimok ng FATF ang Pilipinas na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan nito sa Asia/Pacific Group on Money Laundering (APG) upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga counter-terrorism financing measures. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes