Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang suporta nito sa kampanyang “Kontra Bigay” ng Commission on Elections (COMELEC) laban sa vote-buying at vote-selling para sa Halalan 2025.
Inatasan ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil ang lahat ng pulis sa bansa na mahigpit na ipatupad ang kampanya upang masigurong patas at malinis ang eleksyon sa Mayo.
Sa ilalim ng pinalakas na Kontra Bigay 2.0, binibigyan ng kapangyarihan ang PNP, Armed Forces of the Philippines, at National Bureau of Investigation na magsagawa ng surveillance at agad na umaksyon laban sa mga lalabag sa batas.
Ayon kay PGen. Marbil, sisiguraduhin ng PNP na hindi lang ipatutupad kundi isasabuhay din ng kanilang hanay ang kampanya kontra sa bilihan ng boto.
Mahigpit na babantayan ang anumang uri ng vote-buying at vote-selling, tulad ng pamimigay ng pera, produkto, o campaign materials upang impluwensyahan ang boto ng mga mamamayan.
Nanawagan din ang PNP sa publiko na makiisa sa kampanya sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga ilegal na aktibidad sa halalan. | ulat ni Diane Lear