Muling binalaan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko laban sa kumakalat na text scam.
Modus ng panloloko ang magpadala ng text message sa isang indibidwal na may hawak ng National ID at sasabihing may error sa impormasyon ng tirahan nito.
Saad nito na kailangang ma-update ang impormasyon at kung hindi ay magiging invalid na ang National ID.
Kasabay nito ang ibibigay na link para maging available ang pag-update sa Identification card.
Muling nilinaw ni Undersecretary at National Statistician and Civil Registrar General Claire Dennis Mapa na hindi galing sa ahensya ang text scam.
Ang National ID ay may lifetime validity at maituturing lamang na invalid sa pamamagitan ng deactivation batay sa iba’t ibang batayan na nakapaloob sa Republic Act No. 11055 o Philippine Identification System Act.
Pinapayuhan ang publiko na iwasang tumugon at mag-click sa anumang mga link mula sa mga naturang mensahe. | ulat ni Rey Ferrer