Patuloy ang pagbaba ng mga tauhan ng Philippine National Railways (PNR) sa mga paaralan, upang mapataas ang kamalayan ng publiko, lalo na ng mga batang mag-aaral, kaugnay sa operasyon ng mga tren.
Ito ayon kay PNR General Manager Diovanni Miranda ay isa lamang sa mga hakbang ng kanilang tanggapan, upang mailayo sa aksidente sa tren o riles, ang publiko.
Kasunod na rin ito ng mga naitalang insidente sa linya ng tren, lalo na sa Bicol Region.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na bukod dito, mayroon na ring ginagawang engineering intervention ang PNR.
Kabilang dito ang pagpapaigting ng level crossing, paglalagay ng signaling lights, mga ilaw, at barrier, para sa kaligtasan ng publiko.
Ngayong 2025, tuloy rin aniya sila sa pakikipag-ugnayan maging sa LGUs, upang mapalawak ang kaalaman ng publiko kaugnay sa tren, lalo na kung bakit hindi agad ito nakakapag-preno.
Sa ganitong paraan, maiiwasan pa aniya ang mga insidente sa linya ng mga tren. | ulat ni Racquel Bayan