Nagpasalamat ang mga reelectionist senator na kabilang sa senatorial slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa mainit na suporta ng Ilocos Norte kung saan ginanap ang kanilang kick-off rally.
Para kay Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., malaking karangalan ang maging bahagi ng koalisyon lalo na sa vision nito para sa pag-unlad at inclusive leadership.
Pinasalamatan rin ni Revilla si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pamumuno sa alyansa.
Si Senador Pia Cayetano naman, ibinida ang mga batas ng polisiyang kanyang itinaguyod kabilang na ang Cheaper Medicines Law, Doktor Para sa Bayan at ang ganap na pagpapatupad ng Konsulta program ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Binigyang diin ni Cayetano ang kanyang commitment na patuloy na gumawa ng mga batas na magpapalakas sa healthcare, edukasyon at kapakanan ng pamilya.
Ipinunto naman ni Senador Imee Marcos ang suporta para sa mga magsasaka, pagtataguyod ng tax-free fertilizers, irrigation systems at buwang sahod sa mga manggagawa ng agrikultura.
Ipinanawagan rin ni Senador Imee, na gawing pantay ang minimum wage sa Ilocos at Maynila, at nangakong isusulong ang pagkakaroon ng specialist hospitals sa Ilocos.
Kabilang rin sa mga reelectionist na senator na kasama sa Alyansa sina Senate Majority Leader Francis Tolentino at Senador Lito Lapid. | ulay ni Nimfa Asuncion