Plano ng San Juan local government na agad simulan sa Lunes, February 24 ang pagbebenta nito ng murang NFA rice sa mga residente.
Kasama si San Juan Mayor Francis Zamora sa isinagawang ceremonial turnover ng stock ng bigas ng NFA sa LGUs na handa nang magbenta nito.
Ayon sa alkalde, 5,000 sako ang inisyal na alokasyon nila at ibebenta ito sa City Hall.
Wala na rin aniyang ipapatong pa ang LGU kahit sasagutin nito ang logistics gaya ng pag-pick up sa stock ng bigas mula sa warehouse.
Dahil dito, mananatili sa ₱33 kada kilo o ₱1,650 kada sako ang bentahan ng NFA rice sa San Juan.
Isa naman sa plano ng alkalde ang magkaroon ng pre-registration at limit sa mga bibili nang hindi maging magulo ang proseso ng bentahan sa mga residente.
Hakbang din ito ng LGU para maiwasan ang mga mananamantala sa murang bigas at ibebenta ito ng malaki ang patong. | ulat ni Merry Ann Bastasa