Isinusulong ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang isang makabagong hakbang tungo sa pagiging “smart port city” sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Port of San Diego.
Sa pagbisita ng mga opisyal ng Port of San Diego sa Subic tinalakay nila ni SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose Aliño ang mas malalim na ugnayan sa larangan ng maritime industry.
Ayon kay SBMA Senior Deputy Administrator (SDA) para sa Port Operations Ronnie Yambao, iminungkahi nila sa Port of San Diego na tuklasin ang iba’t ibang aspeto ng Artificial Intelligence, Automation, Break Bulk Cargo Handling and Management, Shore Power Connection, Cruise Ship Terminal and Market Development, at Ship Repair.
Bilang tugon, inimbitahan ng mga opisyal ng Port of San Diego si Chairman Aliño na bumisita sa kanilang daungan upang mas mapalalim pa ang diskusyon sa mga posibleng proyekto.
Ayon sa Port of San Diego officials, marami ang pagkakatulad ng kanilang pantalan sa Subic Bay, kaya’t nais nilang pagtibayin pa ang kasalukuyang ugnayan.
Ang Port of San Diego ay isa sa nangungunang 30 containership ports sa Amerika, na may taunang cargo volume na halos 3 milyong metric tons. | ulat ni Melany V. Reyes