Kasabay ng paggunita ng Tax Awareness Month ngayong Pebrero, nagpaalala si Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa mga taxpayer na samantalahin ang ibinigay na extension para sa estate tax amnesty program.
Sa naturang extension, ginawang hanggang Hunyo 14 ang deadline para sa estate tax amnesty program.
Matatandaang pinalawig ng RA 11956 ang deadline ng paghahain ng estate tax amnesty program upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga legal heirs, transferees, o mga benepisyaryo na magbayad ng excise taxes sa kanilang mga ari-ariang minana mula sa mga namayapang kamag-anak.
Itinatakda rin ng batas na ang paghahain ng excise tax ay maaaring gawin nang manu-mano o sa elektronikong paraan sa alinmang authorized agent bank o Revenue District Office.
Itinatakda rin ang isang installment payment option upang hikayatin ang mga nagbabayad ng buwis na mag-avail ng amnesty program.
Ayon kay Gatchalian, kailangang isulong at paigtingin ang tax education upang matulungan ang mga taxpayer sa pagtupad ng kanilang mga obligasyon.
Inaasahan pa aniya na ito ay makakatulong sa pagpapataas ng koleksyon ng buwis ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion