Nanawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad nang pirmahan ang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHW).
Binigyang-diin ni Pimentel na matagal nang nararapat na mabigyan ng benepisyo ang mga BHW o ang mga frontline health volunteers ng Pilipinas.
Sa ilalim ng naturang panukala, layong i-professionalize ang mga BHW sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng patas na kompensasyon, access sa training, at pagkakasama sa plantilla positions ng gobyerno.
Sa ngayon, naratipikahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report ng panukalang ito.
Iginiit ni Pimentel na dumaan sa masusing pag-aaral ng Senado ang panukala, lalo na sa aspeto ng pondo.
Tinatayang nasa 400,000 na BHW sa buong bansa ang makikinabang sakaling maisabatas ito.
Ngayong pirma na lang ni Pangulong Marcos ang kailangan upang ganap itong maging batas, umaasa ang senador na wala nang magiging delay o na hindi ito ma-veto. | ulat ni Nimfa Asuncion