Nagpadala na ng liham si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Senate President Chiz Escudero para igiit na agad nang simulan ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naturang sulat, binigyang-diin ni Pimentel ang constitutional mandate ng Senado na aksyunan ng ‘forthwith’ o kaagad ang impeachment case laban kay VP Sara.
Base aniya ito sa nakasaad sa Article XI, Section 3, Paragraph 4 ng 1987 Constitution.
Pinunto ng senador na ang kahulugan ng ‘forthwith’, base sa diksyunaryo, ay kaagad at nang walang delay.
Nangangahulugan rin aniya ito ng madali, bigla, dagli, o karakaraka.
Giniit rin ni Pimentel na dahil sa bigat ng impeachment proceedings, ay dapat na gampanan ng Senado ang kanilang tungkulin nang may urgency, diligence, at matapat ang kanilang commitment sa Saligang Batas.
Umaasa ang Minority Leader na tutugunan ng Senate President ang kanyang concern. | ulat ni Nimfa Asuncion