Pinuri ni Senadora Risa Hontiveros ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkakahuli ng suspek sa kaso ng sexual abuse at exploitation ng isang 10-buwang gulang na sanggol.
Ayon kay Hontiveros, nakakagimbal at masakit sa puso ang nangyaring pang-aabuso sa isang musmos para lang kumita ng pera.
Nagpasalamat rin ang senadora sa NBI at sa National Coordination Center Against OSAEC sa pagtutok sa kaso.
Gayunpaman, ipinahayag ng mambabatas ang pagkadismaya sa pagpapatupad ng Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (Anti-OSAEC) Law dahil tila hindi nito proaktibong napoprotektahan ang mga bata mula sa ganitong pang-aabuso.
Nanawagan naman si Hontiveros sa mga social media companies na paigtingin ang kanilang mga regulasyon upang maprotektahan ang mga bata.
Kaugnay nito, magpapatawag si Hontiveros ng Senate inquiry tungkol sa isyu at sa mga bagong trend sa OSAEC.
Nagsampa na rin ng resolusyon ang senadora sa Senado upang siyasatin ang usaping ito. | ulat ni Nimfa Asuncion