Pinanawagan ng mga senatorial candidates ng administrasyon na pababain na lang ang tensyon sa pulitika.
Ito ang tugon ng mga kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas nang matabong tungkol sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagpatay sa mga incumbent senators para magkaespasyo sa mga ineendorso niyang kandidato.
Para kay dating senate president Tito Sotto, nagbibiro lang si Duterte.
Pero pinayuhan naman nito ang iba pang kandidato na magpokus na lang sa isyu dahil oras aniyang humantong sa personalan ang atake ay nangangahulugan itong natalo na sila sa debate.
Ayaw naman nang magkomento ni dating senador Ping Lacson at sinabing walang maidudulot na maganda sa mga pilipino ang pag aaway away.
Pinahayag naman ni dating senador Manny Pacquiao na kung wala namang vested interest ay hindi dapat humantong sa personalan ang mga atake sa pangangampanya.
Samantala, sinabi naman ni dating DILG Secretary Benhur Abalos na hindi sila apektado ng naging pahayag ni Duterte.
Ipagpapatuloy lang aniya nila ang pangangampanya at ilalatag ang kanilang performance sa panuniyo sa mga botante. | ulat ni Nimfa Asuncion