Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na wala siyang balak magpatawag ng special session para lang sa impeachement trial ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat manggaling sa Senate President ang request para magpatawag siya ng isang special session.
Ayon kay Escudero, wala siyang nakikitang rason para mag-request ng special session dahil hindi naman pasok sa itinatakdang rason ng Saligang Batas para sa pagpapatawag ng special session ang pagsasagawa ng impeachment trial.
Ipinunto rin ng lider ng Senado na wala siyang nakikitang rason para madaliin ang impeachment process laban kay VP Sara.
Aniya, hindi espesyal ang posisyon ng vice president para madaliin ang impeachment process at dapat ay pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng kaso ng mga impeachable officer ng bansa.
Kinumpirma rin ni Escudero na walang senador na tumawag o kumausap sa kanya para itulak ang special session para sa impeachment. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion